Nadagdagan ang bilang ng mga nasawi sa patuloy na bakbakan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at Maute terror group sa Marawi City.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla, sa pinakahuling tala, pumalo na sa 193 ang death toll.
Sa panig ng Maute group, nasa 134 na ang kabuuang bilang ng nasawi, habang tatlumpu’t siyam sa tropa ng gobyerno at dalawampu sa mga sibilyan.
Una nang iniulat ng Palasyo na nasa tatlumpung sibilyan na ang nasawi sa sagupaan, pero kalaunan ay itinama ito sa dalawampu.
Ayon kay Padilla, hinihintay pa nila ang consolidated report ng bilang ng nasugatan sa hanay ng gobyerno.
Dagdag pa ni Padilla, umabot na sa 115 na armas ang narekober ng militar mula sa teroristang grupo at pumalo na sa 1,545 na sibilyan ang nailigtas.
Ngayon aniya ay sumailalim na sa clearing operations ang bayan ng Bangolo sa Marawi.
Pero naniniwala si Padilla na lumiliit na ang mundo ng Maute at posibleng tuluyan nang masupil ng militar ang grupo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.