Sandiganbayan, nagpalabas ng HDO laban kay Nur Misuari
Nagpalabas ng Hold Departure Order (HDO) ang Sandiganbayan 3rd Division laban kay dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Governor at MNLF Chairman Nur Misuari.
Kasama rin sa kautusan ang apat na iba pang mga dating opisyal ng ARMM.
Pirmado ni Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang ang HDO at inaatasan ang Bureau of Immigration na pigilan ang tangkang paglabas ng bansa ni Misuari.
Bukod kay Misuari, kabilang sa binigyan ng HDO sina dating Department of Education (DEPED)-ARMM Director Leovigilda Cinches, Supply Officer Sittie Aisa Usman, Accountant Alladin Usi at Chief Accountant Pangalian Maniri.
Ang kautusan ng anti-graft court ay kaugnay sa kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ng mga ito hinggil sa maanomalyang pagbili ng P137.5 milyon na halaga ng educational materials noong nanunungkulan pa sila sa ARMM.
Sinasabing nagsabwatan ang mga opisyal upang bumili ng mga educational materials nang walang anumang isinagawang public bidding.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.