Paninira sa mga imahe ng mga Santo sa simbahan sa Marawi, ‘mala-demonyo’
Matinding galit ang nararamdaman ng Obispo ng Marawi City matapos lumutang ang video na nagpapakita ng desekrasyon ng Maute terror group sa mga banal na imahe ng mga santo sa loob ng isang katedral sa lungsod.
Kinumpirma ni Marawi Bishop Edwin Dela Peña na ang video ay kuha sa loob mismo ng St. Mary’s Cathedral na pinasok ng Maute group sa unang araw ng kanilang pananalakay sa lungsod na kalaunan ay sinunog ng mga ito.
Giit ng Obispo, matinding paninira at pambabastos sa pananampalatayang Katoliko ang ginawa ng mga terorista.
“We are angered by what happened. Our faith has really been trampled on.” pahayag ni Dela Peña sa website ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP).
“That is blasphemy! It’s unacceptable. It’s obvious that their actions are really out of this world. It’s demonic,” mensahe pa ni Dela Peña.
Hindi aniya katanggap-tanggap ang mga ginagawa ng terorista na ipinakita na ang tunay na motibo sa kanilang pananalakay sa Marawi City.
Inamin rin ni Bishop Dela Peña na noon pa man ay may nakararating na sa kanilang mga impormasyon na planong salakayin ng bandidong grupo na sunugin ang kanilang simbahan.
Gayunman, hindi nila aniya ito sineryoso sa pag-aakalang hindi magagawang pasukin ng mga terorista ang Marawi.
Hanggang sa ngayon, hawak pa rin ng Maute group ang vicar general ng Marawi prelature na si Fr. Chito Suganob at ilan ang tauhan ng simbahan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.