Video ng paninira ng mga santo sa Katedral ng Marawi, kumalat sa social media
Kumakalat ngayon sa social media sites ang video na kuha umano ng grupo ng Maute na sumalakay sa Marawi City kung saan kanilang sinisira ang mga imahe ng mga santo sa loob ng isang katedral na kanilang sinunog kamakailan.
Sa naturang video na kuha ng isa sa mga miyembro ng Maute group, kitang-kita ang pagbasag at pag-apak at desekrasyon ng mga imahe ng Hesukristo at iba pang mga imahe ng iba’t ibang santo sa loob ng St. Mary’s Cathedral.
Ilang larawan rin ng mga santo ang maging ng Santo Papa at Pope Emeritus Benedict XVI ang pinunit ng mga ito habang sumisigaw ang mga terorista ng “Allahu Akbar!”
Matapos sirain ang mga imahe, makikita rin ang pagsunog ng mga terorista sa naturang Katedral.
Ang naturang video ay unang lumabas sa Islamic news Agency na Amaq noong Linggo at mabilis na kumalat sa mga social media sites.
Sapilitang tinangay rin ng mga ito si Fr. Chito Suganob, ang vicar general ng Marawi City at ilan pang tauhan ng simbahan.
Marami naman ang nagpahayag ng pagkagalit sa ginawa ng terror group sa mga banal na imahe ng mga Santo at ng Hesukristo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.