3-day deadline laban sa Maute terror group malabo ayon sa AFP

By Isa Avedaño-Umali June 05, 2017 - 07:31 PM

Posibleng hindi kayanin ng pwersa ng pamahalaan na maabot ang target ni Pangulong Rodridgo Duterte na tatlong araw para tapusin ang krisis sa Marawi City.

Paliwanang ni AFP Spokesperson Brig. General Restituto Padilla, sadyang nagmamatigas ang mga terorista na wakasan ang kaguluhan sa lungsod.

Bukod dito, binigyang-diin ni Padilla na nasa pagpapasya ng ground commander ang mga galaw ng operating troops sa siyudad.

Ang mga commander din aniya ang mas nakakaalam ng sitwasyon sa Marawi City maging ang mga maaaring solusyon doon.

Pero ginagawa naman daw ng ground commanders ang lahat ng makakaya nila upang makasunod sa deadline at matapos na ang Marawi City crisis.

Muli namang iginiit ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella ang pangako ng pangulo na matuldukan na sa pinaka-maikling panahon ang kaguluhan sa Marawi City. Aniya, ang mga drug lord na nagpopondo sa pag-atake ay papapanagutin sa batas sabay pagsugpo sa networks nito sa Lanao, iba pang lugar sa Mindanao o sa buong bansa.

Kaugnay nito, inamin ni Padilla na hindi nila batid ang eksaktong bilang ng mga natitira pang sibilyan sa pusod ng bakbakan.

Ito aniya ang isa sa mga rason kung bakit nag-aalinlangan ang tropa ng gobyerno na magpatupad ng full military operations.

Sa katunayan, may mga bahay sa Marawi city na hindi akalain ng mga sundalo na mayroong nananatili pang mga sibilyan.

TAGS: abella, AFP, marawi, Maute, abella, AFP, marawi, Maute

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.