Duterte, hindi pa rin tatakbo bilang presidente sa 2016 elections
Naninindigan si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na hindi siya tatakbo bilang pangulo sa darating na 2016 Election dahil umano sa palpak na sistema ng gobyerno.
Nilinaw ni Duterte sa roundtable interview na dinaluhan niya kasama ang mga Inquirer editors na ang pag-iikot niya sa iba’t ibang bahagi ng bansa lalo na sa Mindanao ay hindi para sa pagtakbo bilang presidente, kundi para itaguyod ang federalism..
Ani Duterte, hindi niya naisip kung ano ang mga maaari niyang gawin oras na siya’y maging presidente dahil wala naman talaga siyang ambisyon.
Para sa kaniya, may sabit ang konstitusyon na inihambing niya pa sa isang “well of corruption” o balon ng kurapsyon, at aniya kung sinuman ang uupo ay tiyak na walang magagawang tama at “puro pagnanakaw ang ibabato sa’yo.”
Samantala sa kabila ng masugid na pag-suporta sa kaniyang pag-takbo sa susunod na taon, nanawagan siya sa mga tao na huwag siyang gawing “excuse” kung hindi sila makapili sa pagitan nina Sen. Grace Poe, Sec. Mar Roxas at Vice President Jejomar Binay.
Pinabulaanan rin niya ang mga balitang nagkakaroon na ng mga pag-uusap sa pagitan ng Nacionalista Party at PDP-Laban pati na rin ang posibleng pagiging tandem nila ni Sen. Bongbong Marcos.
Dagdag ni Duterte, hindi mababago ng popularidad niya sa mga polls ang kaniyang desisyon dahil aniya, tutol din ang kaniyang dalawang misis dito./Kathleen Betina Aenlle
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.