Mga bihag ng Maute group umapela kay Duterte na itigil ang mga military operations
Isang video ang viral ngayon sa online media kung saan ay makikita si Father Chito Suganob na nakikiusap kay Pangulong Rodrigo Duterte na utusan ang tropa ng pamahalaan ng umalis na sa Lanao del Sur at Marawi City.
Si Father Suganob kasama ng ilang mga parishioners ng Saint Mary’s Cathedral ay dinukot ng mga bandidong miyembro ng Abu Sayyaf at Maute terror group sa nasabing lungsod.
Sa loob ng mahigit sa apat na minutong video clip ay maririnig ang pakiusap ni Suganob na hindi kailangan ang tropa ng militar at pulisya para sa kanilang kaligtasan.
Sinabi ng naturang pari na determinadong mamatay ang kanilang mga captors at dapat umanong ikonsidera ng pangulo ang kaligtasan ng mga bihag.
Idininetalye rin ni Suganob na umaabot sa 240 ang kasalukuyang hostage ng Maute group sa loob ng Marawi City kabilang na dito ang isang babaeng professor mula sa Mindanao State University, dalawang church workers at pitong guro mula sa Dansalan College.
Habang nagsasalita si Suganob ay maririnig rin sa background ang ilang putok ng baril.
Ang nasabing video ay kinunan sa gitna ng mga kabahayan na nasunog kaugnay sa naganap na bakbakan sa pagitan ng militar at teroristang grupo.
Ang video ay na-upload sa social media gamit ang account ng isang nagpapakilala sa pangalang Datumasa Khalid.
Wala pang tugon ang militar at ang Malacañang sa nasabing video clip.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.