Publiko, hinikayat ng Muslim community sa Maynila na makiisa sa pagtulong sa Marawi City
Hinikayat ang publiko ng Students’ Association for Islamic Affairs Incorporated na makiisa sa gagawing relief operations para sa mga apektado ng bakabakan ng tropa ng pamahalaan at Maute terror group sa Marawi City, Lanao del Sur.
Target ng Manila-based non-profit organization na makapag-abot ng tulong sa mga evacuation center partikular sa mga lugar na hindi nabibigyan ng tulong dahil isolated pa tulad ng Bubong at Ramain.
Maliban dito, sinabi ni Sitty Hannan Mangotara, Female Deparment head ng organisasyon, susubukan ding ikutin ang mga residente na nananatili sa mga bahay sa kabila ng panganib sa lugar.
Sa kabila ng price freeze, nababahala rin aniya ang grupo sa patuloy na pagtaas ng presyo ng ilang bilihin sa lunsgod kung saan aabot sa limang libo ang kada sako ng bigas at 25 pesos naman sa kada piraso ng itlog.
Sa ngayon, sinabi ni Mangotara na aabot na sa 50,000 piso ang nalilikom ng grupp hindi pa kasama ang mga bigas, canned goods, damit lalo na ang prayoridad na diapers, gatas at gamot dahil yun ang madalas nakakaligtaan.
Aniya pa, nakikipag-ugnayan na ang organisasyon sa ilang kumpanya at ahensiya ng gobyerno para sa mas mabilis na pagpapadala nito sa lungsod.
Hindi naman bababa sa 1,000 evacuees ang nananatili sa bayan ng Bubong samantalang inaalam pa ang kabuuang bilang ng mga naipit na residente sa Ramain.
Paliwanag ni Mangotara, hindi lamang ito makakatulong sa mga kapatid na Muslim sa Marawi City kundi pati na rin sa pagkakaisa ng buong bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.