‘Martial Law, hindi na mapipigilan ng Korte Suprema’ – Aguirre
Tila hindi na mapipigilan ng Korte Suprema ang idineklarang Martial Law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa buong Mindanao.
Maaaring pag-aralan ng SC kung may factual basis ang Martial Law declaration ni Duterte, at maaari din talakayin ang legalidad nito kung mayroon maghahain ng reklamo laban dito.
Pero sa opinyon ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II, sinabi ng kalihim na posibleng maging ‘powerless’ o mawalan ng kapangyarihan ang Korte Suprema sakaling bumoto ang Kongreso na pagtibayin ang ipinatupad na Martial Law ng pangulo.
Sa isang press briefing, sinabi ni Aguirre na nakasaad sa 1987 Constitution na kailangan bumoto ng sabay ang Kongreso at Senado sa pagbibigay ng bisa sa Martial Law.
Sakali aniyang mapatunayan ng Kongreso na ‘valid’ o makatuwiran ang proklamasyon ni Pangulong Duterte ng Martial Law, halos mawawalan na ng kapangyarihan ang Supreme Court na i-override ang deklarasyon ng Mababang Kapulungan at ng presidente.
Nagbanta din si Aquirre na posibleng magkaroon ng constitutional crisis kung ang labinlimang miyemrbro ng high tribunal ay magdesisyon laban sa magiging botohan ng Kongreso at pagpasyahan na ang utos ng pangulo ay walang basehan.
Iginiit din ng kalihim na tama lang ang pagdedeklara ni Duterte ng Martial Law, sapagkat ginawa lamang ito ng pangulo dahil sa nangyayaring kaguluhan sa Marawi City, na maituturing aniya na isang ‘rebelyon’.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.