Binulabog ng bomb scare ang Gate 2 o ng Camp Crame sa Quezon City.
Ayon kay Senior Supt. Edwin Capanzana, chief of staff ng Explosive Ordinance Division, dakong 8:50 ng umaga nang mapansin ng mga pulis na nagmamando ng trapiko sa Santolan gate ang isang balde, plastik bag at back pack na iniwan.
Dahil dito, agad na rumesponde ang mga tauhan ng Explosive Ordinance Division ng Camp Crame at dinala ang mga K9.
Isinalang din aniya sa X-ray ang bagahe at nang makitang may cellphone ay ginamitan na ito ng water disruptor.
Gayunman, sa paghahalughog ng mga tauhan ng EOD, walang bomba o bomb component ang iniwang bagahe.
Tanging cellphone, power bank, uniform ng guwardya, passport, damit at iba pa ang laman ng bagahe.
Ibinaba umano sa jeep ang bagahe subalit hindi na nakita kung sino ang nag iwan.
Apela ni Capanzana sa publiko, mag ingat sa pag iiwan ng mga bagahe lalo’t nakaalerto ang pulis ngayon dahil sa patuloy na nagaganap na bakbakan sa Marawi sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at Maute terror group.
Sa ngayon, susuriin ng PNP ang laman na cellphone at ang mga mensahe nito.
Titingnan na rin ng EOD ang kuha ng CCTV para mabatid kung sino ang nag-iwan ng nasabing bagahe.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.