AFP, pangunahing target ang maibalik sa normal ang sitwasyon sa Marawi City
Prayoridad ngayon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang lansagin ang lahat ng mga terorista na naghahasik ng karasahan sa Marawi City.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni AFP Spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla na target nila ngayon sa pinaka madaling panahon na ganap nang maibalik sa normal ang sitwasyon at pamumuhay sa Marawi.
“Ang ating pong prayoridad ay ma-clear nang husto ang bayan po ng Marawi sa mga elemento ng terorista na nagsipasok na ito, at iyan po ang prayoridad at ginagawa natin calls of action ngayon at magiging focus sa mga susunod na araw kung kinakailangan,” ani Padilla.
Hinarangan na aniya nila ang lahat ng mga kalsada papasok at palabas sa Marawi laban sa iba pang teroristang grupo o masasamang elemento na magtatangkang makalusot.
“Naka-block off na po lahat ng pasukan at palabas, papasok sa lugar ng Marawi. Contained na po natin yan at patuloy tayo na nagkakaroon ng pagkakataon na matulungan ang ating mga kababayan na naipit sa mga putukan at bakbakan,” pahayag pa ni Padilla.
Samantala, ibinahagi ni Padilla na nasa kabuuang tatlumpu’t isa na ang bilang ng mga napatay sa bakbakan sa panig ng teroristang grupo na Maute sa bakbakan na nagaganap sa naturang lungsod.
Bukod dito, nakarekober aniya sila ng anim na high powered firearms.
Sa panig naman ng gobyerno, sinabi ni Padilla na aabot na sa labingisa ang nasawi na sundalo at dalawang pulis habang talumpu’t siyam naman ang nasugatan.
Dagdag ng opisyal, kagabi ay mayroon silang nailigtas na labing anim na sibilyan sa Brgy. Kilala, sa Marawi sa kasagsagan ng putukan.
Natakot aniya lumabas ang mga ito nang sumiklab muli ang bakbakan matapos magsagawa ng surgical airstrike ang militar.
“Sa katunayan, may disi-sais (16) po tayong mga sibilyan na natulungan at na-rescue sa loob po ng bakbakan sa Brgy. Kilala sa Marawi City. Ito pong disi-sais na ito ay naipit at natakot na magsilabas nang magkaroon na po ng mga bakbakan lalo na kahapon nang magsagawa tayo ng mga surgical airstrike,” dagdag ni Padilla.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.