Police chief na napaulat na pinugutan: ‘Buhay ako’
Ito ang pahayag ng hepe ng pulisya ng isang bayan sa Lanao Del Sur matapos mapabalitang pinugutan ito ng ulo ng Maute group na sumalakay sa Marawi City nitong Martes.
Taliwas sa naunang inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte, buhay si Sr. Inspector Romeo Enriquez, ang hepe ng bayan ng Malabang nang makapanayam ng Inquirer sa telepono.
Matatandaang unang inihayag ni Pangulong Duterte noong Miyerkules na pinugutan ng Maute group ang hepe ng bayan ng Malabang nang maharang ito sa isang checkpoint papasok ng Marawi City.
Paliwanag ni Enriquez sa Inquirer, dalawang buwan na siyang nakaupo sa puwesto bilang chief of police ng Malabang.
Pinalitan niya sa puwesto bilang hepe ng Malabang police si Sr. Insp. Freddie Manuel Solar may dalawang buwan na ang nakalilipas na nalipat naman bilang Marawi police intelligence chief.
Si Solar ay nasawi nang dukutin ng Maute group sa harapan ng Amai Pakpak Medical Center habang sakay ng police car na kalaunan ay binaril hanggang sa mapatay ng mga terorista.
Bukod kay Solar ay binaril hanggang sa mapatay rin ng grupo ang deputy police chief ng Marawi City police na si Inspector Edwin Placido.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.