Seguridad sa NAIA, mas pinaigting kasunod ng deklarasyon ng Martial Law sa Mindanao
Mas hinigpitan pa ang seguridad sa Ninoy Aquino International Airport kasunod nang pagdedeklara ng Martial Law sa Mindanao Region sanhi ng umiiral na tensiyon ngayon sa Marawi City.
Ayon kay Manila International Airport Authority General Manager Ed Monreal, mas pinag-ibayo nila ngayon ang koordinasyon ng airport police department at aviation security group at iba pang law enforcement group para matyagan ang seguridad sa apat na terminal sa NAIA.
Sa katunayan ay nakaalerto na kaagad ang mga otoridad sa pagpasok pa lamang ng mga pasahero sa NAIA at ang X-ray machines sa bukana ng paliparan ay siniguro nilang gumagana ng maayos.
Ito ay maliban pa sa pagtitiyak na gumagana ang mga CCTV camera sa paligid, loob at labas ng paliparan para hindi sila malusutan ng mga masasamang loob.
Una nang sinabi ng Civil Aviation Authority of the Philippines na normal pa rin ang operasyon sa lahat ng paliparan sa bansa.
Gayunman, inabisuhan pa rin ng CAAP ang publiko na manatiling alerto at ligtas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.