12 pang minero na natabunan ng landslide sa Benguet, hindi pa rin natatagpuan
Ipinatigil ang operasyon ng pagmimina sa lalawigan ng Benguet noong kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Ineng.
Pero sa kabila nito, sinabi ni Benguet Gov. Nestor Fongwan na sinawing-palad pa ring matabunan ng landslide ang labingpitong minero sa bayan ng Mangkayan.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Fongwan na hindi nagmimina ang mga natabunan na minero nang maganap ang landslide dahil malakas nga ang buhos ng ulan noon.
Sa halip ay nananatili lamang sila sa kanilang temporary camp. Gayunman, gumuho aniya ang bundok at natabunan ang kanilang pansamantalang tinutuluyan. “Huminto naman sila sa pagmimina, nasa camp sila at namamahinga, kaya lang gumuho ang bundok. Everytime na umuulan ipinag-uutos namin na ihinto ang mining operations,” ayon kay Fongwan.
Sa ngayon mayroon pang labingdalawang minero na pinaghahanap matapos matagpuan ang katawan ng limang minero na kinilalang sina: Crispin Ablao, 22; Felimon Adcapan, 23; Jasper Olivarez, 20; Armando Dayao at Efren Balicdan.
Kabilang sa mga nawawala pa ay mga minerong sina Ronaldo Angel, Paulita Angel, Ronald Paul Angel, Jasper Olivarez, Nardo Mocnangan, Marvin C. Baturi, Harold C. Baturi, Rocky Mangrubang, John Aluyan Jr., Jose Aluyan at Mark Balicdan.
Sa ngayon sinabi ni Fongwan na maganda na ang panahon sa Benguet kaya inaasahang mas mapapabilis ang paghahanap sa mga natabunang minero./ Dona Dominguez-Cargulo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.