Nasukol ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang Nigerian sa Maynila, matapos masangkot sa online scam.
Inaresto ng Cyber Crime Division ng NBI si Sayid Barkat alyas Henry Soma.
Nag-ugat ang kaso sa reklamo ng kaniyang biktima na inalok umano ng negosyo ni Barkat sa pamamagitan ng social media.
Ayon sa biktima, nangako si Barkat na padadalhan siya ng package na may lamang pera bilang kapital ng kaniyang negosyo.
Inutusan umano siya nito na gumawa ng bagong email address upang ma-monitor ang package, at nagpadala pa ang nigerian ng larawan ng package para magmukhang totoo ang transaksyon.
Ngunit sinabihan siya ni Barkat na makukuha niya lang ito kapag nagpadala siya ng pera para sa mga processing fees, certification of ownership, bayad sa tax sa loob ng tatlong taon, at iba pang mga dokumento.
Umabot na sa P949,610 ang naibigay na pera ng biktima kay Barkat, ngunit humihingi pa ito ng karagdagang P240,000 kaya humingi na siya ng tulong sa NBI.
Nagsagawa ng entrapment operation ang NBI kaya siya naaresto.
Nahaharap ngayon sa kasong estafa si Barkat.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.