Hepe ng Makati PNP sinibak dahil sa extortion activities ng kanyang mga pulis
Pinaghahanap ngayon ng PNP CITF o Counter-intelligence Task Force ang iba pang kasabwat ng apat na pulis mula sa Makati City na naaresto sa entrapment operation sa Pasay City.
Ayon kay PNP CITF Chief, S/Supt. Chiquito Malayo, bukod sa mga nauna nang naaresto na sina PO2 Harley Garcera; PO2 Clarence Maynes; PO1 Tim Santos; at PO1 Jeffrey Caniete, mayroon pa umanong apat pang kasabwat ang mga ito
Ani Malayo, hinahunting ngayon ng CITF ang dalawang sibilyan, isang retired police officer at isang aktibong pulis.
Naaresto ang apat na pulis sa ikinasang entrapment ops ng CITF matapos na ireklamo ng isang negosyante ang mga suspek ng robbery-extortion matapos damputin sa kanyang bike shop sa Merville Subdivision sa Pasay City at hingan ng P400,000 kapalit ng kanilang kalayaan.
Pinawalan lamang ng mga pulis ang nasabing negosyante makaraan itong magbigay ng paunang P100,000.
Samantala, ipinag-utos na ni PNP Chief Ronald Dela Rosa ang pagsibak sa hepe ng Makati City Police Station na si S/Supt. Dionisio Bernabe pati na rin ang Intelligence Division Chief na si C/Insp. Oscar Pagulayan.
Pawang mga tauhan ni Pagulayan ang mga nahuling pulis sa isinagawang entrapment.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.