Janet Napoles, humirit na mailipat ang kustodiya sa NBI
Hiniling na ng tinaguriang reyna ng Pork Barrel Scam na si Janet Lim Napoles sa Department of Justice o DOJ na mailipat ang kustodiya niya sa National Bureau of Investigastion o NBI mula sa Bureau of Corrections o Bucor.
Ito ay matapos ipawalang sala ng Court of Appeals si Napoles sa kinaharap na kasong illegal detention, na isinampa ni Benhur Luy.
Ayon kay Atty. Stephen David, abogado ni Napoles, dapat nang mailipat ng kustodiya ang kanyang kliyente sa katwirang ang Bucor ay para lamang sa mga convicted na preso.
Paliwanag pa ni David, sa kustodiya ng NBI nagpapalipat si Napoles kasunod ng naging pahayag ni Justice Secretary Vitalliano Aguirre na maaaring magsilbing state witness si Napoles sa pagsisiyasat sa Pork Barrel scam.
Gayunman, bagama’t sumulat na sa DOJ ang kampo ni Napoles, ay hihintayin pa rin nila ang kautusan mula sa korte kung tuluyan nang aalisin ang businesswoman sa kustodiya ng Bucor.
Kinumpirma rin ni David na maghahain sila ng manifestion sa Sandiganbayan upang hilingin ang paglipat kay Napoles.
Si Napoles ay nasa Sandiganbayan kanina para sa pagdinig ng kanyang kaso ukol sa Pork Barrel scandal.
Pero taliwas sa mga nakalipas na pagtungo niya sa Sandiganbayan, hindi na nakasuot na orange na damit o pang-bilanggo si Napoles at maaliwas ang aura.
Mas naging gwardyado rin si Napoles at umiwas sa media interview.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.