Bagong DENR Secretary, magbibigay daan sa responsible mining
Pabor ang bagong talagang Environment Secretary na si Roy Cimatu sa pagmimina basta’t ito ay responsable at hindi makakaapekto sa kapaligiran.
Sinabi ni Cimatu na personal niyang titingnan ang mga minahan sa bansa para makatiyak na walang maglalapastangan sa kalikasan.
Si Cimatu, na dating Armed Forces of the Philippines Chief of Staff, ang ipinalit ni Pangulong Rodrigo Duterte makaraang hindi pumasa sa kumpirmasyon ng Commission on Appointment si dating DENR Secretary Gina Lopez.
Ayon sa dating AFP chief of staff, kalmado at katamtaman lamang ang gagawin niyang pagpapatupad sa mga batas at polisiya ng ahensiya.
Patuloy din niyang pinag-aaralan at inaalam ang sitwasyon ng DENR at itutuloy ang mga naiwang trabaho ng nagdaang kalihim hinggil sa pagpapatakbo ng ahensiya.
Dagdag pa nito, isang karangalan din na makita at makausap ang dating kalihim na si Gina Lopez.
Nagpahayag din ng kahandaan si Cimatu na humarap sa CA para kumpirmahin ang kanyang posisyon bilang kalihim ng DENR.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.