Yellow warning itinaas ng PAGASA sa Tarlac, Nueva Ecija at Batangas
(update) Alas 11:00 ngayong umaga, itinaas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services (PAGASA) ang Yellow rainfall warning sa mga lalawogan ng Tarlac, Nueva Ecija at Batangas.
Sa abiso ng PAGASA, ang habagat na pinalalakas pa rin ng bagyong Ineng ang naghahatid ng pag-ulan sa nasabing mga lalawigan.
Sa ilalim ng yellow rainfall warning, nangangahulugang umabot na sa 7.5mm hanggang 15mm ang dami ng tubig ulan na bumuhos sa tatlong lalawigan sa nakalipas na isang oras at inaasahang tatagal pa sa susunod na dalawang oras.
Ayon sa PAGASA, posibleng makapagdulot ng pagbaha ang nararanasang malakas na buhos ng ulan sa Tarlac, Nueva Ecija at Batangas.
Samantala sa nasabing ring advisory, sinabi ng PAGASA na nakararanas ng mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan sa Pampanga, Rizal, Northern Zambales at bahagi ng Cavite.
Samantala, dahil sa masamang lagay ng panahon, kanselado na ang ilang biyahe ng PAL Express at Skyjet sa NAIA.
Kinansela ng PAL Express ang 2P 2084 Manila – Basco at 2P 2085 Basco – Manila habang kanselado din ang M8 816 Manila – Basco at M8 815 Basco – Manila ng Skyjet./ Dona Dominguez-Cargullo, Ruel Perez
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.