Pagtitipon ng mga lumagda sa Paris climate deal, umarangkada na
Nagtipun-tipon na ang mga kinatawan ng mga bansang lumagda sa Paris climate deal upang pag-usapan ang mga detalye kung paano pipigilan ang global warming.
Nagsimula na ang pagtitipon sa kabila ng kawalan pa rin ng katiyakan kung tutupad pa ba sa napagkasunduan ang Estados Unidos sa ilalim ng administrasyon ni Pres. Donald Trump.
Sa loob ng sampung araw sa Bonn, Germany, susubukan ng mga opisyal na mapagkasunduan kung paano ipatutupad ang 2015 Paris Agreement na bawasan ang carbon emissions.
Sa ilalim ng Paris deal, tinatarget na bawasan ang global average temperature increase ng hanggang 2 degrees Celsius o 3.6 Fahrenheit.
Ayon kay Patricia Espinosa na pinuno ng UN Framework Convention on Climate Change, mahalaga ang unti-unti pang pagbuo at pagpapatibay sa kasunduan bago ang mismong annual summit sa Nobyembre.
Ayaw naman muna magkomento ni Espinosa sa magiging epekto ng posibleng pag-kalas dito ng US, at iginiit na hihintayin na lang muna niya ang pormal na desisyon tungkol dito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.