Mas mataas na sahod, apela ng mga manggagawa ngayong Labor Day
Libu-libong mga manggagawa ang inaasahang dadalo sa mga protesta ngayong Labor Day.
Kabilang sa mga iaapela ng mga manggagawa ay ang mas mataas na sahod, job security, at ang pagwawakas sa contractualization.
Isasagawa ang mga rally sa Metro Manila, at iba pang mga lugar tulad sa mga lungsod ng Bacolod, Cebu, Cagayan de Oro, Tacloban at Davao.
Partikular namang iaapela ng mga labor groups kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtataas sa minimum wage, lalo’t tumataas na rin ang cost of living.
Ayon kay Alan Tanjusay, tagapagsalita ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), ang kanilang panukala ay ang emergency P500 na cash subsidy sa mga manggagawa na ang daily pay rate ay mas mababa sa P393.
Ito kasi ang 2015 government standard na kailangan ng pamilyang may limang miyembro para mabuhay.
Sakop ng panukalang ito ang lahat ng mga manggagawa sa labas ng Metro Manila, kung saan ang daily minimum wage ay P491.
Balak rin nilang ipetisyon sa regional wage boards na aprubahan ang accross-the-board pay increase na P157 para sa mga nagtatrabaho sa Metro Manila.
Ang Kilusang Mayo Uno (KMU) naman ay umaapela na itaas sa P750 ang minimum wage para sa mga nagtatrabaho sa pribadong sektor, at buwanang sahod na P16,000 para sa mga government employees.
Katwiran ng grupo, ito na ang poverty wages ngayon na mas malapit sa living standards, o pangangailangan ng mga pamilya para mabuhay sa kasalukuyang panahon.
Samantala, magsasagawa naman ng 54 na job at business fairs ang Department of Labor and Employment (DOLE) kung saan nasa mahigit 200,000 trabaho ang maiaalok para sa mga nangangailangan nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.