3 patay sa police ops sa Ilocos Norte, pero target, nakatakas
Tatlo ang nasawi sa isang operasyon ng pulias sa Currimao, Ilocos Norte, pero hindi naman nila napasakamay ang kanilang target.
Pawang mga nasa loob ng tahanan ng hinihininalang gunrunner na si Delfin Guiang ang mga biktimang nasawi sa engkwentro.
Bitbit ang search warrant, sinalakay ng mga pulis ang bahay ni Guiang sa Brgy. Poblacion, umaga ng Biyernes.
Gayunman, nanlaban ang mga nakatira sa tahanan at nakipagbarilan sa mga pulis.
Dahil dito nasawi ang anak ni Guiang na si Donel, kasama ang dalawang iba pa na kinilalang sina Joseph Coloma at Glen Esteban.
Ayon sa hepe ng Currimao police na si Chief Insp. Ryan Retutar, nasa ibang barangay si Guiang noong mga panahon na isinagawa ang naturang operasyon.
Ngunit, tumakas na rin umano si Guiang noong kasagsagan ng engkwentro, habang isa pang suspek ang nakatakas pero nahuli din sa may bayan ng San Nicolas.
Narekober ng mga pulis ang matataas na kalibre ng baril, bala at mga pampasabog sa family compound ng mga Guiang.
Nasabat din nila ang ilang drug paraphernalia sa pinangyarihan ng krimen.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.