Reklamong inihain laban kay Duterte, pag-aaralan ng International Criminal Court
Kinumpirma ng Office of International Criminal Court prosecutor Fatou Bensouda na natanggap na nila ang reklamong inihain laban kay Pangulong Rodrigo Duterte ng abogado na si Jude Sabio.
Ayon kay Prosecutor Bensouda, maglalabas sila ng desisyon kapag napag-aralan na nila ang naturang reklamo.
Noong nakaraang Oktubre, sinabi ni Bensouda na nababahala siya sa umano’y patayan sa Pilipinas.
Nakababahala rin aniya ang mga inilalabas na pahayag ng ilang matataas na opisyal sa bansa kung saan tila pinahihintulutan ang mga pagpatay.
Nagbabala naman ni Bensouda na sinuman sa Pilipinas ang masasangkot sa ‘mass violence’ kahit pa ang iniutos lamang ito ay mananagot sa batas.
Sinabi ni Sabio, na abogado ng confessed hitman na si Edgar Matobato, na nagsimula ang istratehiya ni Pangulong Duterte na pumatay ng mga kriminal kabilan na ang mga drug addict at pusher simula nang maging alkalde ito ng Davao City noon pang 1988.
Kahapon, pormal nang inireklamo sa ICC si Pangulong Duterte kaugnay sa mga kasong crime against humanities na may kinalaman sa mga nagaganap na umano’y extra judicial killings sa bansa.
Personal na bumiyahe si Sabio sa The Hague para ihain ang kanyang 77-page complaint sa ICC.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.