Babaeng police officer, iniimbestigahan dahil sa hinalang itatakas ang Abu Sayyaf sa Bohol
Isang babaeng pulis at driver nito ang kasalukuyang nasa kustodiya ng mga otoridad sa bayan ng Clarin, Bohol dahil sa hinalang may koneksyon ito sa mga Abu Sayyaf na nagtangkang manggulo sa lalawigan nitong nakalipas na linggo.
Kasalukuyang isinasalang sa imbestigasyon sina Supt. Maria Christina Nobleza, Deputy Regional Director ng PNP Crime Laboratory ng Region 11 at Reenor Lou Dungon na naharang sa isang checkpoint dakong alas-8:00 ng gabi, Sabado.
Ayon sa ulat, tinangka umanong lagpasan ng sasakyan ni Nobleza ang isang checkpoint sa Bgy. Bacani sa gitna ng pagtugis ng mga pulis at sundalo sa grupo ng Abu Sayyaf.
Ayon sa source mula sa militar, iginigiit umano ni Nobleza na nasa Bohol sila ng mga panahong iyon at napagawi lamang sa Clarin upang mamasyal.
Gayunman, nang isalang sa interogasyon sa himpilan ng pulisya, tinangka umanong itapon ni Nobleza ang sim card ng kanyang telepono ngunit narekober ito ng mga K-9 unit.
Nang siyasatin ang sim card, dito na lumabas ang mga text message umano ng paghingi ng tulong ng isa sa mga Abu Sayyaf members na sila’y i-rescue ng pulis.
Ayon pa sa intelligence source, bayaw umano ng driver na si Dungon ang isa sa sa mga lider ng Abu Sayyaf.
Sa kasalukuyan, tatlo pang nakatakas na bandido ang patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad makaraang mapatay ang apat sa mga ito sa dalawang engkwentro noong Sabado.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.