CGMA nagpasalamat sa kanyang acquittal sa plunder case
Nagpapasalamat ang kampo ni Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa pinal na pasya ng Korte Suprema na tuldukan na ang PCSO plunder case ng dating pangulo.
Sa isang statement, sinabi ni Atty. Laurence Arroyo, legal counsel ni CGMA, noong Hulyo 2016 ay nagdesisyon na ang Kataas-Taasang Hukuman na i-abswelto ang dating presidente.
Ito’y matapos paburan ang kanyang demurrer to evidence, na ayon kay Atty. Arroyo ay katapusan na dapat ng istorya.
Gayunman, pinuna ng abogado na ang Office of the Ombudsman ay naghain pa rin ng motion for reconsideration, kaya mistulang nasa double jeopardy si Arroyo.
Sa botong 11-4, pinagtibay ng Supreme Court ang naunang pasya noong July 19, 2016 na nagpapawalang sala kay CGMA.
Ang kasong plunder ay kaugnay sa P365 million na pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO na sinasabing maanomalyang ginasta noong presidente pa ng bansa si Arroyo.
Nilitis ng Sandiganbayan si CGMA, pero humingi ito ng saklolo sa Korte Suprema na pumabor sa kanya at nagpakawala sa kanya makalipas ang ilang taong hospital arrest.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.