Mga makakatulong sa mga adbokasiya ni Duterte, pararangalan
Bibigyang pagkilala na ang mga lingkod-bayan at maging ang mga pribadong indibidwal na malaki ang maitutulong sa kampanya ng administrasyon na magsulong ng pamahalaang malinis mula sa katiwalian.
Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 17 noong April 7 na tumatalakay sa “Order of Lapu-Lapu.”
Sa ilalim nito, bibigyang parangal ang mga pagpupursige at sakripisyo ng mga opisyal o kawani ng pamahalaan at ng mga pribadong mamamayan sa pagtulong sa mga isinusulong na adbokasiya ng pangulo.
Mayroong tatlong medalyang ibibigay sa ilalim ng Order of Lapu-Lapu.
Ang una ay ang Lapu-Lapu Medal na ibibigay sa mga taong malaki ang maitutulong sa pagtatagumpay ng isang aktibidad na may kinalaman sa kampanya o adbokasiyang isinusulong ng pangulo.
Ang pangalawa naman ay ang Kalasag Medal na ibibigay bilang isang “posthumous award” para sa mga nagsakripisyo bilang direktang resulta ng kanilang partisipasyon sa kampanya o adbokasiya ng pangulo.
Samantala, ibibigay naman ang Kampilan Medal para sa mga lubhang nasugatan habang isinusulong ang kampanya ng pangulo.
Mababatid na kabilang sa mga kampanya ng administrasyon ay ang laban kontra iligal na droga, pagsusugal at katiwalian sa pamahalaan, pari na ang pangangalaga sa kalikasan.
Bubuuin ang award committee ng isang kinatawan mula sa Office of the Executive Secretary, at dalawa mula sa Presidential Management Staff.
Magmumula naman sa Office of the President ang pondo para dito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.