DOH sa mga deboto: Huwag nang isama ang mga sanggol, senior citizens sa Bisita Iglesia
Pinayuhan ang Department of Health o DOH ang mga deboto na magbi-Bisita Iglesia ngayong Semana Santa na huwag nang isama ang mga sanggol at senior citizens upang maprotektahan ang mga ito mula sa anumang sakit.
Paliwanag ni DOH Secretary Paulyn Ubial, ang mga bata at sanggol ay karaniwang ‘vulnerable’ o madaling mahawaan ng mga sakit o virus.
Ang mga nakatatanda naman, partikular na ang may hypertension, ay mas mainam na manatili na lamang sa bahay lalo’t matindi ang init ng panahon bunsod ng summer season.
Pero kung hindi talaga mapipigilan, sinabi ni Ubial na ang mga bata at nakatatanda ay dapat may kasamang kaanak o guardian na handang magbigay ng gamot kapag kinakailangan.
Dagdag ni Ubial, ang mga sasama sa Bisita Iglesia ay mabuting magsuot ng kumportableng damit, magdala ng sapat na suplay ng inuming tubig upang maiwasan ang dehydration, at magbitbit ng pagkain na hindi mabilis mapanis tulad ng biskwit.
Tuwing Kwaresma, lalo na sa Huwebes Santo, ay nakasanayan na ng mga Katoliko ang Bisita Iglesia kung saan nagtutungo sa pitong iba’t ibang simbahan upang magdasal.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.