Walang iuuwing Pilipinong nasa death row si Pres. Duterte mula Saudi-Abella
Nilinaw ng Palasyo ng Malakanyang na walang iuuwing Pilipino na nasa death row si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang state visit sa Saudi Arabia.
Sa press briefing sa Riyadh, sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, na hindi pa umaabot sa lebel ni King Salman Bin Abdulaziz Al Saud ang kalagayan ng tatlumpu’t isang mga Pilipino na nasa death row.
Dahil dito, sinabi ni Abella na wala pa sa tamang lugar para idiga ng pangulo sa hari ng Saudi Arabia na pagkalooban ng clemency ang mga nasa death row.
Mas makabubuti ayon kay Abella na hintayin muna na maayos ang naturang proseso.
Matatandaang kahapon lamang, bago tumulak patungong Middle East, sinabi ng pangulo sa Davao International Airport na kasama niyang iuuwi sa bansa ang ilang Pilipino na nahatulan ng bitay at napagkalooban ng clemency.
Gayunman, sinabi ni Abella na bagamat wala pang maiuuwing OFW na nasa death row, tiniyak ng opisyal na makauuwi naman ang ilang Pilipino na nawalan ng trabaho sa Saudi.
Sa kasalukuyan, aabot sa labinlimang libong Pilipino ang nawalan ng trabaho at kumukuha ng amnesty para makauwi na ng Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.