Inilabas ng Labor Department ang ang top 10 jobs sa bansa kung ang suweldo ang pag-uusapan.
Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III, base sa survey ng kanilang Bureau of Local Employment ang mga trabaho na may pinakamataas na suweldo sa bansa ay piloto, navigator at flight engineer na may average na buwanang suweldo na P156,823.
Kasunod ito ng engineering geologist na siyang sumusuri sa mga earth materials at nagsasagawa ng risk assessment ng geological hazards kung saan sila ay sumusuweldo ng P101,471.
Pangatlo sa survey ang mga graphic designers na may sahod na P99,658 na sinundan ng mga art directors na may sahod kada buwan na P76,612.
Sinusundan sila ng industrial machinery mechanics and fitters na kumikita kada buwan ng P76,550 at pang anim ang mga geologists na may karaniwang sahod na P71,849.
Ang mga nagsisilbi naman statisticians para sa insurance at pension funding ang pang pito sa kanilang buwanang kita na P56,759 at P49,646 naman ang sinusuweldo ng crushing, grinding and chemical mixing machinery operator.
Nasa ika-siyam na puwesto ang mga communications service supervisors na karaniwang may sahod na P48,270 at pang huli sa survey ang production supervisors at general foremen na karaniwang may P47,521 na sahod.
Naniniwala si Bello na makakatulong ang survey results na ito sa mga estudyante na pinag-iisipan pa ang kursong kukuhanin sa kolehiyo gayundin sa mga naghahanap ng trabaho.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.