Hiling ni Pemberton na baliktarin ang guilty verdict sa kasong homicide, ibinasura ng CA
Ibinasura ng Court of Appeals ang kahilingan ni US Lance Corporal Joseph Scott Pemberton na baligtarin ang hatol sa kanya ng korte na guilty sa kasong homicide sa pagkakapatay sa transgender na isi Jeffrey ‘Jennifer’ Laude.
Iginiit ni Pemberton na hindi kapani-paniwala o ‘more imaginary than real’ ang pagkakasangkot niya pagpaslang kay Laude.
Sinabi ni Pemberton na nagkamali ang Olongapo City Regional Trial Court Branch 74 sa hatol sa kanya sa kabila ng testimonya ng forensic expert na si Dr. Raquel Fortun na hindi namatay si Laude sa panlulunod.
Dagdag niya, isinantabi rin ng korte ang ebidensya na posibleng sangkot ang ibang tao sa pagpatay kay Laude.
Sinabi naman ng CA ang desisyon ng mababang korte na katigan ang findings ni Dr. Reynaldo Dave na namatay si Laude dahil sa asphyxia sa pamamagitan ng paglulunod, kaysa testimonya ni Fortun.
Iginiit din ni Pemberton na minolestya siya ni Laude at ipinagtanggol lamang niya ang kanyang sarili mula kay Laude.
Ipinahayag naman ng CA na batay sa general physical examination na isinagawa sa sundalo, wala namang nakitang senyales na nagtamo ito ng injury sa kanyang ulo at mukha.
Iginiit ng CA na hindi maikakailang guilty sa homicide si Pemberton.
Si Pemberton ay pinatawan ng hanggang 10 taong pagkakakulong, pinagbabayad nang 4.3 milyong piso para sa loss of earning capacity, 30,000 piso para sa exemplary damages, at 50,000 piso sa kada civil indemnity at moral damages.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.