Self confessed DDS member na si Arturo Lascañas, nakalabas na ng bansa
Tahimik na lumabas ng bansa ang self-confessed na miyembro ng Davao Death Squad na si Arturo Lascañas.
Si Lascañas ang nagdawit kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpatay na ginagawa umano ng naturang grupo.
Sa isang panayam, sinabi ni Lascañas sa Philippine Daily Inquirer na nakatatanggap ito ng mga banta ng paghahain ng kaso laban sa kanya, at mayroon din mga taong naghahanap sa kanya.
Nang matanggap aniya ang naturang mga impormasyon, nagdesisyon siya agad na mas makabubuti kung aalis muna siya sa bansa.
Humiling naman ang retired police official sa Inquirer na huwag nang isapubliko ang kanyang kinaroroonan, kahit pa malalaman din aniya ng gobyerno kung nasaan siya dahil sa kanyang pinirmahan na immigration form.
Sinabi din ni Lascañas na hindi niya gustong kalabanin si Pangulong Duterte dahil ang nais lamang niya ay sabihin ang buong katotohanan sa mga naganap na patayan umano sa Davao, at maging ang pagkakasangkot niya dito, dahil gusto lamang niya na magkaroon ng malinis na konsensya.
Noong Pebrero, binago ni Lascañas ang kanyang mga naunang pahayag noong nakaraang taon sa imbestigasyon sa Senado, kung saan itinanggi nito na sangkot siya sa DDS, at maging ang mga alegasyon ng isa pang self confessed DDS member na si Edgar Matobato.
Inamin ni Lascañas na nagsisinungaling lang siya noong unang beses siyang humarap sa Senado, at ginawa lamang niya ito dahil sa natatakot siya para sa seguridad ng kanyang pamilya.
Sa isang press conference noong February 20, inakusahan ni Lascañas si Duterte na pagbuo sa DDS para pumatay umano ng mga kriminal at kaaway sa Davao City.
Samantala, bago pa makaalis ng bansa ay naghintay pa si Lascañas ng labinglimang minuto sa airport immigration counter bago tuluyang matatakan ang kanyang passport.
Isa sa mga immigration officers naman ang nagsabi sa Inquirer na wala silang rason para pigilan na makalabas ng bansa si Lascañas.
Sa huli, sinabi ni Lascañas na hindi niya masasabi kung kailan siya babalik ng Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.