Pagsasagawa ng misa sa loob ng mga lumang simbahan sa Batangas ngayong Palm Sunday, ipinagbawal
Inabisuhan ang mga Katoliko sa Batangas na isagawa muna ang mga misa para sa Araw ng Palaspas sa labas ng mga lumang simbahan.
Ito ay dahil sa paniniwalang naging marupok ang istruktura ng mga simbahan dahil sa pagtama ng sunud-sunod na malalakas na lindol sa ilang bahagi ng Luzon partikular sa Batangas.
Ayon sa Office of Civil Defense Region 4A, sa ngayon ay hindi pa ligtas na magsagawa ng misa sa mga lumang simbahan sa Batangas, na center ng magnitude 6.0 na lindol.
Sinabi ni OCD-4A Public Information Officer Georgina Garcia na iwasan muna ang pag-stay sa loob ng mga simbahan dahil na rin sa mga aftershocks na nararanasan hanggang ngayon.
Inihalimbawa ni Garcia ang nangyari sa Basilica of the Immaculate Concepcion sa Batangas City, na isa sa mga lumang simbahan, kung saan bumagsak ang pader nito.
Bukod sa Palm Sunday Masses, sinabi ni Garcia na dapat ay isara muna sa mga turista ang mga simbahan sa lalawigan ngayong Holy Week partikular na sa Maundy Thursday para sa Visita Iglesia.
Maaari lamang gamitin na ang mga simbahan para sa religious activities kapag idineklara na ito ng mga engineers na ligtas na sa kabila ng aftershocks.
Samantala, sa ngayon ay umakyat na sa lima ang naitalang nasugatan bunsod ng malalakas na lindol.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.