3 patay sa tatlong magkakahiwalay na insidente sa Maynila, QC at Marikina
Dalawa ang patay sa insidente ng pamamaril na naganap sa Maynila at sa Quezon City ngayong umaga ng Biyernes (August 21).
Dead-on-the-spot sa loob ng kaniyang sari-sari store ang biktimang Natividad Geronimo na tinatayang 65 anyos na.
Binaril si Geronimo ng hindi pa nakikilalang suspek habang siya ay nag-aayos sa loob ng kaniyang tindahan sa Gen. Lucban sa Tondo Maynila kaninang alas 5:15 ng madaling araw.
Ayon sa mga residente sa lugar, nakarinig sila ng isang putok ng baril at natagpuan na lamang na nakasubsob na sa loob ng tindahan si Geronimo.
Hinihinala naman ng mga kaanak ng biktima na kakilala rin ni Geronimo ang suspek sa krimen, dahil may hindi umano pagkakaunawaan sa isyu ng ari-arian sa pagitan ni Geronimo at ilan nitong kaanak.
Samantala, sa Quezon City, isang hindi nakilalang lalaki ang nasawi matapos barilin ng gwardya sa loob ng compound ng Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB).
Ayon sa security guard na si Raymond Calub, nakita niya sa CCTV ang lalaki na palakad-lakad sa loob ng HLURB compound kaya pinuntahan niya ito at sinita.
Pero sa halip na huminto ang lalaki ay nagtatakbo ito palayo dahilan para barilin siya ni Calub.
Sa Marikina City naman, isang hindi pa nakikilalang lalaki ang natagpuang patay sa Molave kanto ng Balagtas Street, Marikina Heights.
Nakasuot ng pantalon ang biktima, itim na boxer shorts at pulang t-shirt. Nakita ang lalaki ng mga dumadaang residente pasado alas 6:00 ng umaga na nakadapa sa side walk sa nasabing lugar.
Hindi pa matukoy kung natural death o mayroong foul play sa pagkasawi ng lalaki. / Ruel Perez, Erwin Aguilon
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.