Isa pang dating PCSO official inabswelto ng Sandiganbayan sa pluder
Nilinis na ng Sandiganbayan sa kasong plunder ang dating board member ng Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO na si Ma. Fatima Valdes.
Ang kaso ay kaugnay sa maling paggamit ng pondo ng PCSO noong pangulo pa si ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.
Pinagbigyan ng anti-graft court 1st division ang demurrer of evidence ni Valdes, kung saan iginiit nito ang pag-abswelto sa kanya ng mga kapwa-akusado dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya.
Dapat din umanong mag-apply sa kaso ang parehong findings sa kaso ng iba pang miyembro ng PCSO Board na sina Manuel Morato, Jose Taruc at Raymundo Roquero.
Sinang-ayunan ng korte ang argumento ni Valdes dahil magkakapareho lamang ang kinakaharap nilang kaso.
Nag-ugat ang kaso sa umano’y pakikipagsabwatan ng mga dating PCSO officials kay dating presidente Arroyo upang i-covert ang mahigit P365 Million na intelligence funds para raw sa pansariling pakinabang.
Nauna nang naabswelto si GMA sa naturang kaso.
Dahil naman sa pag-abswelto ng Sandiganbayan kay Valdes, inaalis na rin ang Hold Departure Order laban sa kanya at pinababalik na rin ang bail bond na nagkakahalaga ng P250,000.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.