Babaeng pulis na sangkot sa insidente ng pamamaril sa Novaliches, sumuko na
Sumuko na sa mga otoridad ang babaeng pulis na hinihinalang namaril sa isang lalaki sa Novaliches noong nakaraang March 27, araw ng Lunes.
Ayon kay QCPD Director C/Supt. Guillermo Eleazar, sumuko ang suspek na si PO1 Wealyn Ojastro kay PS-4 Commander Supt. April Mark Young noong nakaraang Biyernes, March 31.
Isinuko na din aniya ni Ojastro ang kanyang baril at ngayon ay nasa kustodiya na ng pulisya.
Una dito, ipinag-utos ni Eleazar ang paghahanap kay Ojastro na naka-assign bilang beat patroller sa isang Police Station sa Novaliches.
Binaril at nasugatan ni Ojastro ang biktima na si Mark Kevin Tumbaga madaling araw ng March 27 sa Noval Street sa Barangay Sauyo, Novaliches.
Nabatid na dati umanong karelasyon ni Ojastro ang asawa ng biktima na si Glaiza Tumbaga.
Ilang araw matapos ang insidente, naghain ang pulisya ng mga kasong frustrated murder at physical injury laban kay Ojastro.
Ang kasong physical injury ay inihain laban kay Ojastro dahil sa paninipa umano sa asawa ng biktima.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.