Binuksan ng TIME Magazine noong Biyernes ang kanilang botohan para sa TIME 100, ang taunang listahan na nagtatampok sa pinaka maimpluwensyang mga tao sa mundo.
Kabilang si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga lider ng bansa na napipisil na kandidato para sa naturang listahan.
Dahil sa pinaigting na kampanya kontra iligal na droga, naging usap-usapan si Pangulong Duterte ng iba’t ibang bansa, at nakatanggap ng pambabatikos mula sa ilang international human rights group.
Kamakailan ay itinampok naman si Duterte sa isang artikulo ng New York Times na nakasentro sa kanyang naging pag-angat sa kapangyarihan, pero may isyu ng karahasan.
Ngunit bago ito, naging front-page sa naturang pahayagan noong August 2016 ang war on drugs ng pangulo.
Sa mga oras na ito ay nangunguna si Duterte sa botohan na mayroong 4%.
Kukumpleto naman sa Top 10 ay sina Pope Francis, Canadian Prime Minister Justin Trudeau, Beyoncé, German Chancellor Angela Merkel, Bill Gates, US Senator Bernie Sanders, Simone Biles, Serena Williams, at ang co-chairs ng Women’s March na sina Linda Sarsour, Tamika Mallory, Carmen Perez, at Bob Bland.
Kasama nina Duterte, Trudeau at Merkel sa shortlist ang iba pang world leaders na sina Chinese President Xi Jinping, US President Donald Trump, Russian President Vladimir Putin, British Prime Minister Theresa May, Mexican President Enrique Peña Nieto, Syrian President Bashar Assad, Indian Prime Minister Narendra Modi, at Supreme Leader of Iran Ayatullah Ali Khamenei.
Isasara ang botohan sa darating na April 16 at ilalabas naman ang official list sa April 20.
Ayon sa TIME, ang kanilang mga editor ang pipili ng mga bubuo sa final list pero nais nila na kumuha ng opinyon sa kanilang readers.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.