Mga kabataang sangkot sa pre-marital sex, dumarami
Lumabas sa isang pag-aaral na dumarami ang mga millennials na sumasabak sa maagang pakikipagtalik dahil sa epekto ng internet at social media.
Ayon kay Juan Perez III, Executive Director ng Commission on Population, isa sa tatlong babae at lalaki na may edad mula kinse hanggang 19-anyos ang sangkot sa premarital sex.
Batay sa inilunsad na Young Adult Fertility and Sexuality Study o YAFS 4 ng UP Population Institute and the Demographic Research and Development Foundation, sinabi ni Perez na lumabas dito na ang mga kabataang may internet at pornographic materials ang may posibilidad na ma-expose dito.
Aniya pa, ginagawa ito ng mga lalaki bilang isang sexual act habang ang babae naman ay dahil sa pag-ibig.
Madalas aniyang ginagawa ng mga kabataan ito sa bahay at dormitoryo na walang gamit na proteksyon.
Dahil dito, aabot sa 11 haggang 14 porsyento ang teenage pregnancy sa bansa lalo na sa Cagayan Valley, Cordillera at Caraga Region sa Mindanao kung saan 10 porsyento dito ay mga kababaihang may edad bente pababa.
Kaya naman, plano ng ahensya na pababain ito sa 6 o 7 porsyento sa loob ng limang taon.
Nagbigay ng ilang rekomendasyon ang ahensiya kung paano aaksyunan ang naturang problema sa National Economic and Development Authority o NEDA.
Maliban dito, sinabi rin ni Perez na importante ang papel ng mga magulang, institusyon, mga guro, simbahan at maging ang mga nakakasama ng mga kabataan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.