Breadwinner na sekyu, nanguna sa mga nagtapos bilang guro
Walang pangarap ang hindi kayang abutin.
Pinatunayan ito ng isang security guard sa isang paaralan sa Cebu City.
Sa edad na 38, isa sa pangarap ni Erwin Valmoria Macua ang makatapos ng kolehiyo.
Pero hindi lang pagtatapos sa kanyang kurso ang na-achieve ni Macua dahil magtatapos siya na may honor sa mismong paaralan na kanyang binabantayan, ang St. Theresa’s College (STC) Sa Cebu City.
Si Macua ay Cum Laude sa Baccalaureate Degree in Elementary Education (BEED) na kanyang tatanggapin ngayong araw (March 25, 3:00pm).
Bagaman naka-duty mula 7:00 p.m. hanggang 7:00 a.m., nanatiling “full load” si Macua na nagsisimula ang klase mula 7:30 am hanggang 4:00pm.
Hindi rin umano lumiliban sa klase maging sa kanyang trabaho ang security guard na desididong makatapos ng pag-aaral.
Tatlo ang anak ni Macua at ang kanyang sweldo bilang security guard ang sumusuporta sa pamilya at sa kanyang pag-aaral maging sa pag-aaral ng kanyang mga anak.
Katunayan, isa niyang anak ay nasa kolehiyo rin na scholar sa University Of Cebu sa kursong Accountancy at ang ikalawa naman ay si Clifford, 16 years old ay grade 10 student sa Ramon Duterte Memorial National High School at ang 10 months old na bunso na si Cherise May.
Ang misis niyang si Irenea ang nagbabantay sa kanilang sari-sari store sa kanilang bahay sa Brgy. Kalunasan, Cebu City.
Taong 1997 ay natigil sa pag-aaral si Macua sa kursong civil engineer dahil hindi na siya kayang pag-aralin ng kanyang mga magulang na pagsasaka lang ang ikinabubuhay sa bayan ng Trinidad, Bohol.
Nagpasya daw siyang kumuha ng education dahil nais niyang ibahagi ang kanyang karanasan at nais niyang maging inspirasyon ng mga kabataan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.