Programa ni Mocha Uson sa DZRH, sinuspinde dahil sa mga bulgar na banat kay VP Robredo
Sinuspinde ng radio station na DZRH ang commentary program ng singer-dancer at Duterte supporter na si Mocha Uson.
Ito ay matapos makatanggap ng mga reklamo ang istasyon mula sa isang Jozy Acosta-Nizperos, pinuno ng civil society group na ‘The Silent Majority’ dahil sa umano’y malisyosong mga pahayag ni Uson laban kay Vice Pres. Leni Robredo.
Kinumpirma sa Inquirer ng DZRH personnel na “indefinite suspension” ang ipinataw ng istasyon sa naturang programa ni Mocha.
Nag-viral sa social media ang March 18 episode ni Mocha sa DZRH kung saan maraming maaanghang na salita ang binitawan nito laban kay Robredo.
“’Kasi nga sinungaling ka at fake news ka… Huwag mong araw-arawin ang katangahan mo!… Bumili ka ng utak! … Nakakahawa na yang katangahan mo … Sobra lang talagang nakakagalit ang kabobohan ng babae na to…” Bahagi ng mensahe ni Mocha kay Robredo sa kanyang programa.
Sa naturang mga pahayag, tahasang minura rin at sinabihan ni Mocha si Robredo ng sinungaling at ‘fake news’.
Bukod dito, inupakan din ni Mocha ang media kung saan sinabihan niya na puro pera lang ang iniisip sa halip na kapakanan ng bayan.
Giit ng nagrereklamo, lumabag si Mocha sa 2007 Broadcast Code of the Philippines sa pagbibitiw nito ng masasama at malisyosong salita laban sa Pangalawang Pangulo.
Dapat din aniya ay may sapat na karanasan at kaalaman sa larangan ng pamamahayag ang isang nagpuprograma at naglalabas ng komentaryo sa himpapawid.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.