Road rage suspect sa Cebu, sumuko na sa PNP
Kinumpirma ni Chief Supt. Noli Taliño, Regional Director ng PNP Central Visayas na nasa kustodiya na ng PNP Cebu ang road rage suspect na si David Lim Jr.
Ayon kay Taliño, alas 2 ng madaling araw Martes, March 21 nang isuko sa kanila si Lim Jr. matapos ang negosasyon sa pamilya sa pamamagitan na rin umano ni Special Presidential Assistant Bong Go.
Nasugatan si Ephraem Nuñal Montalbo, isang nurse, matapos na paputukan ng caliber 22 sa binti ng suspek dahil naman sa away sa kalsada.
Paliwanag umano ni Lim, inakala niya na sinusundan siya ng biktima na umanoy binusinahan sya ng malakas.
Huminto ang suspek at nagkaroon pa umano ng suntukan hanggang sa humantong sa pamamaril.
Ayon pa kay Taliño, si David Lim Jr. ay lumalabas na pamangkin pala ng sinasabing drug lord na si Peter Lim.
Samantala, inilagay na ng Department of Justice (DOJ) sa Lookout Bulletin si Lim.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, ipinalabas niya ang immigration lookout bulletin order bilang tugon sa hiling ni Special Assistant to the President for the Visayas Michael Diño.
Ito ay para matiyak na hindi matatakasan ni Lim ang kanyang responsibilidad sa pamamagitan ng pagbyahe sa ibang bansa.
Sa tatlong pahinang kautusan, inaatasan ang lahat ng mga immigration officer na maging mapagmatyag sakaling mamataan si Lim sa mga immigration counter sa alinmang international port o seaport.
Inaatasan din ng DOJ si Immigration Commissioner Jaime Morente na makipag-ugnayan sa Cebu City Police para sa iba pang impormasyon tungkol kay Lim gaya ng ginagamit nitong mga alyas, petsa at lugar ng kapanganakan, kopya ng kanyang pasaporte at pinakahuling litrato.
Sakali umanong tangkain ni Lim na umalis ng bansa, dapat ay agad itong ipagbigay alam sa mga opisyal ng DOJ at PNP.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.