Watch: 4 na hinihinalang carnapper, arestado sa Cainta, Rizal
Arestado ang apat na hinihinalang carnapper matapos salakayin ng PNP-Highway Patrol Group ang isang bahay sa Greenwoods Subd., Cainta, Rizal.
Kinilala ang mga nahuli na sina Hanin Benito, Ibrahim Benito, Sherwin Villamin at Marvin Villamin na nasakote sa bahay na hinihinalang ‘katayan’ ng mga carnap na sasakyan.
Ayon kay Police Chief Insp. Sally Mangacop, Deputy Chief ng Task Force Limbas, nag-ugat ang kanilang operasyon matapos mag-sumbong ang operator at driver ng Jewel Faith Taxi na hinoldap kahapon sa bahagi ng C-5 Road sa Taguig City.
Dahil sa nakakabit na GPS sa taxi, na-‘trace’ ng pulisya ang sasakyan sa garahe ng bahay na pag-aari ng isang Mohammed Darapa.
Huli sa akto ng mga pulis ang mga suspect na binabaklas ang wirings at tinutuklap ang mga sticker ng taxi.
Kinilala naman ng nabiktimang taxi driver ang dalawa sa mga suspek na mismong nangholdap sa kanya.
Narekober din sa bahay ang isang itim na Hyundai na kotse na may plakang NPO-115 at Toyota Fortuner na may plakang FAR-88.
Nagsasagawa naman ng follow-up operation ang HPG para mahuli si Darapa na may-ari ng bahay at posibleng lider ng grupo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.