Duterte sa impeachment complaint laban sa kanya: “This is a democracy”
Balewala para kay Pangulong Rodrigo Duterte ang impeachment complaint laban sa kanya na inihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sa kanyang departure press conference sa Davao City bago magtungo sa Myanmar, sinabi ni Duterte na bukod sa impeachment complaint na isinampa ni Magdalo PL Rep. Gary Alejano, ay welcome din sa kanya ang nakaambang reklamo na i-aakyat sa International Criminal Court.
Aniya, malinaw na umiiral ang demokrasya sa ating bansa dahil may naghain ng reklamo laban sa kanya.
Dagdag ni Duterte, wala sa kanya ang impeachment dahil para sa kanya, susunod siya sa ‘rules of destiny.’
Muli naman nitong iginiit na gusto niyang tumutok sa kanyang trabaho at pagtupad sa pangako na tatapusin ang kurapsyon, ilegal na droga at kriminalidad.
Kasabay nito, itinanggi ni Duterte na may kinalaman siya sa nilulutong impeachment laban naman kay Vice President Leni Robredo, dahil sa report nito sa United Nations.
Dagdag ng pangulo, wala siyang kinalaman sa ‘Nagaleaks’ at kung ayaw daw maniwala rito ni Robredo, ay hindi huwag.
Si Duterte at kanyang delegasyon ay patungong Myanmar upang makipag-pulong sa mga opisyal doon at mapalakas ang bilateral relations.
Pagkatapos sa Myanmar ang pupunta naman si Duterte sa Thailand.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.