China, magtatayo ng environmental monitoring stations sa Panatag Shoal
Maglalagay ang China ng panibagong istraktura sa Panatag (Scarborough) Shoal sa bahagi ng South China Sea o West Philippine Sea.
Kinumpirma ni Xiao Jie, ang mayor ng Sansha City, na naghahanda na ang kanilang bansa sa pagtatayo ng isang environmental monitoring stations sa ilang mga isla sa pinagtatalunang teritoryo kabilang ang Scarborough Shoal.
Tinawag ng China na Sansha City ang ilang mga isla at bahura na ina-angkin at tinuturing nitong pag-aari sa South China Sea.
Ayon naman kay Xiao, ang konstruksyon ay bahaging kanilang “restoration and erosion prevention” na nakakalendaryo na ngayong 2017.
Samantala, binatikos ng dalawang US Senators ang patuloy na panghihimasok ng China sa mga teritoryo sa South China at East China Sea.
Dahil dito, maghahain ng panukalang batas sina US Senators Marco Rubio at Ben Cardin para pagbawalan na mabigyan ng visas ang mga “Chinese people” na may kinalaman sa pagtatayo ng gusali at mga istraktura sa South at East China Seas.
Sa kanilang South China Sea and East China Sea Sanctions Act, parurusahan din ang mga foreign financial bodies na sumusuporta at may kinalaman sa mga gusaling pinapatayo ng China sa nabanggit na lugar.
Tinawag naman ng Chinese Foreign Ministry na arogante ang dalawang US Senators.
Ayon kay Ministry Spokesperson Hua Chunying, ang panukala ng dalawang senador ay “extremely grating.”
Ang panukala aniya nina Rubio at Cardin ay pagpapakita ng kamangmangan at kakulangan ng kaalaman sa usapin ng South China Sea.
Dagdag pa aniya ang posibleng paglabag nito sa international laws at international relations.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.