Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na kilalang-kilala niya ang may-ari ng Mighty Corporation na si Alexander Wongchuking, dahil sila ay mag-‘mistah’.
Ayon kay Duterte, pareho aniya kasi sila ni Wongchuking na in-adopt ng Philippine Military Academy (PMA) class 1967.
Nahaharap ngayon ang kumpanya ni Wongchuking sa malaking kaso ng tax evasion dahil sa paggamit ng mga pekeng tax stamps sa mga pakete ng sigarilyo na kanilang ibinebenta.
Sa kaniyang talumpati sa 35th anniversary ng PDP-Laban, sinabi niyang matagal na silang magkakilala ni Wongchuking, na kamakailan lang ay ipinaaaresto na niya dahil sa economic sabotage.
Muli namang binanggit ni Duterte ang pagbibigay sa kaniya ni Wongchuking ng pera noong siya pa ang alkalde ng Davao City, at ng baril noon lamang Disyembre, ngunit tinanggihan niya aniya ang mga ito at agad na ibinalik.
Dahil dito, wala siyang utang na loob aniya kay Wongchuking nang pumutok ang isyu ng tax evasion ng Mighty Corp.
Ngunit giit ni Duterte, nakasaad sa batas na maaring idaan sa kompromiso o kasunduan ang mga kaso ng tax evasion.
Una nang sinabi ng pangulo na bukas siya sa pakikipagusap sa pamunuan ng Mighty, pero ito ay mangangailangan pa ng pagpayag nina Finance Sec. Carlos Dominguez, Customs chief Nicanor Faeldon at Internal Revenue chief Cesar Dulay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.