Mga kabataang nahuhuli sa drug war, hindi dapat ikulong batay sa police manual
Mahaharap sa mga kasong administratibo ang mga pulis na mapapatunayang nanakit o nang-abuso sa mga kabataang kanilang nadampot o naaresto, partikular sa mga raid.
Base sa pagbabago sa police manual noong Oktubre ng nakaraang taon, mahigpit na ipinagbabawal ang pisikal na pananakit sa mga kabataang nasasangkot sa krimen, o sa mga kabataang nasa delikadong sitwasyon.
Ito ay ayon mismo sa tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP) Women and Children’s Protection Unit na si Chief Insp. Maimona Macasasa.
Ayon pa kay Macasasa, ang mga kabataang nahuhuling gumagawa ng krimen ay hindi dapat ituring na kriminal kundi mga “rescued individuals.”
Oras aniya na may maarestong menor de edad, dapat agad silang i-turn over sa mga social workers sa loob ng walong oras mula sa kanilang pagkaka-aresto.
Hindi rin aniya dapat ikulong, kuhanan ng larawan o posasan ang mga ganitong kabataan.
Gayunman, aminado naman si Macasasa na posibleng mayroon pa ring ilang pulis na nang-aabuso at nananakit sa mga kabataang nakakaharap nila sa mga operasyon.
Ayon naman kay Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Director Serafin Barretto, nasa 407 na menor de edad ang nakakulong ngayon sa buong bansa, dahil bini-beripika pa ng mga korte ang kanilang edad.
Mayroon aniya kasing mga nagpapanggap na mas bata ang kanilang edad, habang may mga kabataan namang gustong makaalis sa social welfare centers na nagpapanggap na mas matanda para makulong na lang sila sa regular na kulungan.
Para malaman ang totoong edad ng mga bata, isasailalim sila sa dental examination, at sisiyasatin rin ang kanilang birth certificate.
Base sa datos ng PNP, 2 percent ng mga krimeng naitala sa buong bansa ay ginawa ng mga menor de edad.
Ayon naman sa PNP Women and Children Protection Unit, 973 na kabataan ang nakasuhan ng iba’t ibang kasong may kinalaman sa iligal na droga mula Enero hanggang Disyembre ng nakaraang taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.