8 ang patay sa Oplan Tokhang Revisited sa Bulacan

By Kabie Aenlle March 08, 2017 - 05:12 AM

dela rosaIsang araw matapos payagan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine National Police (PNP) na muling sumabak sa drug war ng pamahalaan, walong mga hinihinalang kriminal na ang napatay agad sa magkakahiwalay na engkwentro.

Bukod dito, 21 ang naaresto sa lalawigan ng Bulacan kahapon, lalo’t isinabay na rin ng PNP sa anti-drug war ang paglunsad ng kampanya laban sa mga iligal na baril.

Ayon kay PNP Bulacan provincial police chief Senior Supt. Romeo M. Caramat Jr., ang mga suspek ay napatay o naaresto sa 19 raid na isinagawa, na nauwi sa karahasan matapos paputukan ng mga ito ang mga pulis.

Karamihan aniya sa mga napatay ay may kinalaman rin sa kalakalan ng iligal na droga.

Base sa mga ulat sa headquarters ng PNP-Central Luzon, tatlong lalaki ang napatay sa umano’y shootout sa mga pulis at ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Bulacan.

Kinilala ang mga ito na sina Elmer Pagsanjan, Francis Bondoc at Errol dela Cruz, na nanlaban umano sa mga otoridad na nagsagawa ng buy-bust operation sa Brgy. Mabolo sa Malolos City.

Kabilang anila ang tatlo sa listahan ng mga hinihinalang nagtutulak at gumagamit ng iligal na droga sa mga Brgy. San Juan at Caingin.

Narekober sa mga suspek ang walong sachet ng hinihinalang shabu, at dalawang revolver.

Noong Lunes naman, nasukol ng mga pulis ang isang Renato Reforma at ang misis nitong si Lourdes na nakuhanan ng anim na sachet ng shabu.

Sa paglulunsad ng panibagong kampanya ng PNP laban sa iligal na droga, puntirya nila ang mga big-time drug suspects at mga grupo.

Alinsunod din dito, kailangang may kasama nang mga opisyal ng barangay ang mga pulis sa kanilang pag-katok at pagpapasuko sa mga drug suspects.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.