Dagdag-singil ng Meralco mula Marso hanggang Mayo, aprubado ng ERC
Inaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang dagdag singil ng Manila Electric Company (Meralco) para mabawi ang dagdag-gastos dahil sa shutdown ng Malampaya Natural Gas Facility.
Pero sa halip na 30 centavos kada kilowatt hour na naunang panukala ng Meralco, nasa 22 centavos na pagtaas kada kilowatt hour ang inaprubahan ng ERC.
Ayon sa ERC, ang nasabing halaga ang nag-reflect matapos ang ginawa nilang pagkwenta sa total fuel cost na umabot sa P1.752 billion na mas mababa kumpara sa computation ng Meralco na P2.417 billion.
Ang nasabing halaga ay idaragdag sa generation charge bilang bahagi ng fuel cost sa panahong naka-shutdown ang Malampaya mula Jan 26 hanggang February 16.
Ang pagkulekta ng nasabing dagdag singil ay hahatiin sa tatlong buwan o mula ngayong Marso hanggang Mayo.
Noong Jan. 31, 2017 nang ihain ng Meralco sa ERC ang hirit na dagdag-singil sa kuryente.
Naapektuhan kasi ng Malampaya shutdown ang supply ng natural gas sa mga power plants na kinabibilangan ng SPPC-Ilijan, Sta. Rita, San Lorenzo, San Gabriel at Avion.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.