De Lima: Wala akong sakit, hindi ako nagpakamatay
Walang dahilan si Senador Leila De Lima para siya ay mamatay sa sakit o magpatiwakal dahil sa lungkot.
Sinabi ito ng senadora sa pamamagitan ng isang pahayag mula sa kanyang opisina sa gitna ng mga kumakalat na pekeng balita sa social media na nagtangkang itong magpakamatay sa piitan.
Sinabi ni De Lima na ang mga pekeng balitang ito ay ginagamit ng mga ‘tuta’ ni Pangulong Rodrigo Duterte gaya aniya ni House Speaker Pantaleon Alvarez para ikundisyon ang publiko na posible ang pinakamalalang mangyari sa kanya sa loob ng PNP Custodial Center nang walang pananagutan ang administrasyong Duterte.
Ipinahayag ni Alvarez na sa halip na sa PNP Custodial Center, sa isang mental facility na lamang dalhin ang senadora.
Ani De Lima, hindi niya rin nararamdamang ligtas siya sa loob ng tinawag niyang ‘kulungan ni Duterte,’ matapos niyang marinig ang mga isiniwalat ng self-confessed Davao Death Squad leader na si Arturo Lascañas na pagpaslang sa mamamahayag na si Jun Pala na ipinag-utos umano ni Duterte.
Kumalat din ang post sa social media na isinugod umano sa ospital ang senadora matapos magtangkang mag-suicide.
Dagdag ni De Lima, kung mamamatay man siya sa loob ng piitan, ito ay dahil ipinag-utos na ng Pangulo na patayin siya.
Giit niya, wala siyang sakit at buo ang kanyang pag-iisip.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.