Warden ng Cebu provincial jail sinibak na sa pwesto
Sinibak sa kanyang tungkulin bilang warden ng Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center si Dr. Gil Macato.
Si Macato ay pansamantalang papalitan ni Bobby Legazpi bilang officer-in-charge.
Ang nasabing bilangguan na nasa direktang kontrol ng Cebu provincial government ay naging laman ng mga balita kamakailan makaraan ang isinagawang anti-drug inspection ng mga otoridad kamakakailan.
Sa naturang operasyon ay pinaghubo’t hubad ang lahat ng mga preso habang isinasagawa ang paghalughog sa kanilang mga selda.
Makaraang makarekober ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng ilang mga kontrobando at droga ay kaagad na sinibak ng Cebu Go. Junjun Davide si Macato.
Kabilang sa mga nakuha sa loob ng bilangguan ay 80 cellphones, mga laptops, DVD players, mga patalim, ilang sachet ng shabu at pera na umaabot sa P91,000.
Sinabi naman ni PDEA Region 7 Director Yogi Filemon Ruiz na tama lang ang ginawa nilang pagpapahubad sa mga preso para sa kaligtasan ng kanyang mga tauhan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.