Madaliang pagpasa sa death penalty, ikinabahala ng CHR
Naalarma ang Commission on Human Rights (CHR) sa mabilis na pag-pasa sa panukalang buhayin ang parusang bitay sa bansa.
Matatandaang noong Miyerkules ay nailusot na sa ikalawang pagbasa ang naturang panukala sa Kamara.
Sa pahayag ng CHR, madaliang isinara ng Kamara ang period of individual amendments at inaprubahan agad sa second reading ang nasabing House Bill 4727.
Isa anila itong pagtaliwas sa House rules, at hindi rin umaayon sa pagbibigay ng “human rights-based approach to legislation.”
Pinuna rin ng CHR ang pag-boto ng mga mambabatas pabor sa pag-tanggi sa anumang amyendang ihahain na naglalayong baguhin ang nilalaman ng panukala.
Ayon pa sa CHR, kinikilala naman nila ang pagkakasarinlan ng Kamara, ngunit mistulang sinuspinde nito ang regular na proseso kaya hindi nabigyan ng pagkakataon ang mga mambabatas na magsalita tungkol sa panukala.
Kinwestyon din ng CHR ang paraan ng botohan na ginamit noong Miyerkules, partikular ang viva voce, dahil hindi nalaman ng publiko kung ano ang posisyon ng bawat mambabatas tungkol sa panukala at kung ano talaga ang aktwal na bilang ng mga bumoto.
Nasakripisyo anila ang congressional transparency sa ginawang botohan, dahil inalis ang tradisyunal na nominal voting.
Dagdag pa nila, isinantabi rin ng Kamara ang validity ng panukala alinsunod sa Saligang Batas at sa international human rights law.
Sa huli ay iginiit ng CHR na mariin pa rin nilang tinututulan ang pagpasa sa panukalang ito, kasabay ng panawagan sa Congress na pag-aralang maigi ang magiging epekto nito sa obligasyon ng bansa sa international human rights treaty.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.